Ang Buhay Ng Isang Nurse Dito Sa Pinas

Napakahirap talaga ng buhay ng isang nurse lalo na dito sa Pilipinas. Sandamakmak na ang grumaduate subalit para kang pumapana sa buwan sa paghahanap ng trabaho upang maisabuhay mo ang kursong natapos mo. Daan daang libo na ang grumaduate na nurses dito sa Pinas at ano ang ginagawa ng daan daang libo na iyon? 

Karamihan ang bagsak ay sa call center sapagkat napakadali nga namang makapasok sa ganitong klaseng trabaho dahil in demand at may massive hiring sila palagi. Katulad ko, nagtrabaho na ko dati sa call center at totoong mataas ang sweldo dito at maganda pa ang benepisyo. Walang problema sa sweldo ng isang call center agent. Kung wala kang pamilya, panigurado buhay na buhay ka sa sweldo mo. Kung ikukumpara mo ito sa sweldo ng isang nurse na gumastos ng halos isang milyon sa pag-aaral, tuition fee, atbp. ay walang binatbat. Ang isang nurse ay kumikita ng P8,500 kapag ika'y nagtratrabaho sa isang private na ospital. Sa P8,500 na iyon, dinaig pa nito ang mga jeepney drivers at taxi drivers na kumikita ng higit pa.

Kung magtratrabaho ka naman sa ospital ng gobyerno, malaki na ang P15,000 subalit para ka makapagtrabaho sa nasaad ay kailangan mo ng backer na may mataas na posisyon. At kung makakapagtrabaho ka man sa isang government hospital, halos 50 pasyente na ang iha-handle mo. Sa ganitong kalidad, malamang hindi mo mabibigyan ang lahat ng pasyente ng quality care na tinatawag. Sa panahon ngayon hindi ka na dapat choosy. Maraming nurses ang naghahangad makapagpraktis na ng propesyon nila at kailangan talaga na competitive ka upang maging isang ganap na nurse.

Nakakalungkot na napanood ko din sa balita na isang registered nurse ay pinasok nalang ang pagiging driver dahil sa kahirapan na humanap ng trabaho na mapapraktis niya ang pagiging nurse. Kung iisipin, ano kaya ang ginagawa ng iba pang daang libong registered nurses?

No wonder, ang mga tao nagaambisyon na makapunta sa ibang bansa upang guminhawa ang kanilang buhay at syempre dahil mas mataas di hamak ang sweldo sa ibang bansa. Isa pa, mas high tech pa ang mga kagamitan at equipments doon. Hindi masyadong hassle sa pag-aalaga ng pasyente. Isa ako sa mga nangangarap makapagtrabaho sa ibang bansa upang kumita ng mas malaki at syempre upang mabigyan ng mas magandang opportunity sa career growth. Subalit, kailangan ko pang bumilang ng taon bago ito matupad. Swerte na lamang ako sa koneksyon ko. Ang nakakalungkot, paano ang iba na walang koneksyon? Ano na lamang kaya ang magiging hinaharap ng bawat isang registered nurse? Maraming tanong subalit kakarampot na sagot at ang mismong mga sagot ay hindi makakapag-paahon sa buhay. Sadyang kailangan lang ng sipag at tiyaga at ang pinakaimportante, tiwala sa Diyos.
"Nurses serve their patients in the most important capacities. We know that they serve as our first lines of communication when something goes wrong or when we are concerned about health." -Lois Capps

2 comments:

Oinky said...

Very well said, FL! Natumpak mo!

Jemong said...

hahaha Oinky you have blogger? I missshhh you!

Post a Comment